| |
Pahayag ng NUSP-ST at CEGP-ST Hinggil sa Pagpanaw
ni Crispin “Ka Bel” Beltran
Isang mataas na pagpupugay sa kabayanihan at buhay na inalay sa ngalan ng
paglilingkod sa sambayanan ng isang magiting na lider, mambabatas at
kasama!
Sa kasagsagan ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng bigas, langis,
pamasahe at kuryente, nabigla ang lahat sa pagpanaw ni ANAKPAWIS
Representative Crispin Beltran, mas kilala sa tawag na “Ka Bel,” sa edad
na 75. Nasaksihan ng lahat ang kanyang pagiging isang militanteng
kongresista, tagapagtanggol at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga
manggagawa at ng masang anakpawis.
Naging saksi sa pagpapahirap sa sambayanan ng mga nagdaang rehimen si
Kasamang Crispin Beltran. At sa kabila ng iba’t ibang uri ng pasismo at
harassment ng estado, nanatiling matatag ang kanyang paninindigan para sa
isang makatao at makatuwirang lipunan. Nariyan ang pagpapasailalim sa
kanya sa isang hospital arrest noong Pebrero 2006 sa bintang na rebelyon
noong nagdeklara si Gloria Macapagal-Arroyo ng State of National
Emergency. Kalaunan nama’y pinakawalan din si Ka Bel dahil na rin sa
kawalan ng matibay na ebidensiya laban sa kanya.
Nasaksihan ng lahat kung papaano niya pinanghawakan ang kanyang prinsipyo
sa iba’t ibang larangan ng pakikibaka— sa Kongreso man o sa lansangan.
Magiting niyang hinarap ang iba’t ibang usapin ng mga manggagawa at ng
masang anakpawis habang malusog na nakipagtunggali sa mga alipores at tuta
ng rehimeng Arroyo. Sa kanyang husay bilang mambabatas, iginawad sa kanya
ang pagkilala bilang Pilipino ng Taon at isa sa Pinakamahuhusay na
Kongresista noong 2005. Isa rin siya sa mga kinatawan na may
pinakamaraming isinumiteng panukalang batas sa loob ng Kongreso.
Sa kabila ng popularidad at iba’t ibang porma ng panunuhol, pinanghawakan
ni Ka Bel ang halaga ng isang simple at matapat na pamumuhay. Sa katunayan,
isa siya sa mga naitalang pinakamahirap na mambabatas mula ng maupo siya
sa Kongreso noong 2001. Nakatira rin siya sa isang simpleng komunidad sa
lungsod ng Quezon kasama ng kanyang asawang si Rosario “Ka Osang” Beltran.
Ang kanyang bahay sa Bulacan, kung saan naganap ang aksidente, ay nabili
niya sa pamamagitan ng pangungutang sa Government Service Insurance
System.
Makulay at magiting din ang naging buhay niya bilang isang lider mangagawa.
Mula sa pagiging miyembro ng Yellow Taxi Drivers Union at ng Amalgamated
Taxi Drivers Federation, naging masikhay sa pagkilos sa hanay ng mga
mangagawa si Ka Bel mula pa noong 1960. Isa rin siya sa mga naging biktima
ng pampulitikang panunupil ng diktadurang Marcos noong 1970s. Taong 1986
nang maging tagapangulo siya ng Kilusang Mayo Uno (KMU) matapos paslangin
ang noo’y pangulo nitong si Rolando “Ka Rolly” Olalia. Taong 1993 naman
nang maging Pangulo siya ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN). Tumakbo
siya bilang senador noong 1987 sa ilalim ng Partido ng Bayan ngunit natalo.
Nasa ikatlong termino na siya bilang Kongresista sa ilalim ng partido
ANAKPAWIS hanggang sa pumanaw siya nitong Mayo 20. Ilan sa mga panukalang
batas na isinumite niya sa Kongreso ay ang 125 pisong dagdag na sahod para
sa mga manggagawa, pagbasura sa Oil Deregulation Law, pagpapatupad ng
reporma sa industriya ng niyog, at pagdedeklara sa Enero 22 bilang Araw ng
mga Magsasaka. Sa araw nga ng kanyang pagpanaw ay nakatakda sana siyang
magsagawa ng isang privilege speech sa Kongreso hinggil sa pagtatanggal ng
12 porsyentong buwis sa langis.
Hindi natin makalilimutan ang kabayanihan at buhay na inalay ni Ka Bel sa
sambayanang Pilipino, isang kabayanihang tunay na naglingkod sa mga
manggagawa at masang anakpawis. Kabayanihang patuloy na guguhit sa
kasaysayan ng kilusang paggawa at sa malawak na pakikibaka ng sambayanang
Pilipino upang makamit ang tunay na pagbabagong panlipunan.
At katulad nga ng sinabi ni Ka Osang Beltran, hindi natatapos ang labang
sinimulan at isinabuhay ni Ka Bel. Patuloy na lalawak at lalakas ang hanay
ng nakikibakang sambayanan. At hangga’t may inaapi at pinagsasamantalahan,
susulpot sa iba’t ibang sulok ng bansa ang mga katulad ni Ka Bel—
maninindigan at lalaban hanggang sa kanyang huling hininga.
”At ang aral mo, ang diwa mo, ang buhay mong inialay, ay dangal ng aming
lahi’t kasaysayan.”
|
|