Crispin 'Ka Bel' Beltran:

Outstanding Fighter for National Liberation and Democracy

 

 

May 21, 2008

 

 

Marchers accompanied Ka Bel's hearse from Plaza Salamanca to the Iglesia Filipina Independiente Cathedral

 

/p

Google

/p
           
 


Ka Bel, mula sa Amado V. Hernandez Resource Center

Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
kung ang araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
kung ang bulkan sa dibdib mo ay hindi man umuungol,
kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
lumuha ka nang lumuha't ang laya mo'y nakaburol.
- Kung Tuyo na ang Luha Mo, Aking Bayan ni Amado Hernandez

Pinagpupugayan ng Amado V. Hernandez Resource Center ang dakilang lider-manggagawa na si Kasamang Crispin Beltran. Binabalikan natin ang masalimuot at maningning na pakikibaka niya para sa karapatan ng mga manggagawa at mithiin ng mamamayang Pilipino. Kung ang Pambansang Alagad ng Sining na si Ka Amado ay manunulat at pinuno ng kilusang paggawa, ang buhay ni Ka Bel ay panulaan ng kasaysayang nagpunyagi na mapagtagumpayan ang kahirapan, pagsasamantala at pang-aapi ng sambayanan.

Hanggang sa huling sandali, namalas ang pagmamahal ni Ka Bel sa pamilya. Pinagsumikapan niyang kumpunihin ang sira sa bahay. Hanggang sa huling panahon, nakita ang pag-ibig niya sa ating bayan. Siya'y nakipaglaban para sa mataas at makatarungang sahod ng mga manggagawa. Iisa ang pagmamahal sa pamilya at bayan para kay Kasamang Crispin: anuman ang ipinakikipaglaban para sa sahod, trabaho at karapatan sa hanay ng mga manggagawa ay pakikipagbuno din upang mapabuti ang kalagayan ng pamilya. Haligi ng tahanan, muog ng sanlaksang inaapi.

Mula sa pagmamaneho ng taksi hanggang sa pamumuno ng kilusang paggawa, pagkakakulong tungo sa paglahok sa mga magsasaka sa kanayunan, paniniil ng pasistang rehimen hanggang pisikal na karamdaman, nilabanan ni Ka Bel ang lahat ng balakid sa personal, pulitikal at panlipunang pagbabago. Nito nga lamang nakaraan, sa paniniil ng pamahalaan, dinakip siya, nakulong maging sa ospital at pinalaya ng kilusang masa. Inigpawan niya ang sakit at kahinaan upang mapalakas ang pakikipaglaban ng anakpawis. Pangkaraniwan lamang si Ka Bel, nagmula sa masa, tumapang, tumindig, at namuno para sa kapakanan ng nakararami.

Nagluluksa tayo sa pagkawala ng isang tunay na bayani at tapat na alagad ng mamamayan. Ipagpatuloy natin ang pakikipaglaban para sa kagalingan ng kilusang masa! Ipagbunyi natin ang buhay at alaala ni Ka Bel!

Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila
ang karapatan kong laong iniluha,
ang aking katwiran ay bigyan ng laya
at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala
sa aking panata sa pagkadakila…
Taong walang saysay ang di Manggagawa!
Bayani, Amado Hernandez
 

 
           

Home

Send us your feedback