A Tribute to Aileen and Bruks

 

September 29,  2010

 

 

Photo courtesy of KARAPATAN Photo courtesy of Jed Karatula Aquino
/p

/p

AILEEN HAZEL S. ROBLES

1986 - 2010

           
           

x

TATLONG YUGTO NG PAG-IBIG

O PAANO BA MAGMAHAL NANG WAGAS
by Nonilon Queano

September 28, 2010

 

(Sa alaala ni Kasamang Aileen)
 

 

Una, kailangang ikampay ang isip nating
Nagmahal nang wagas
Sa imperyong kalawakan,
Tulad ng bulalakaw,
Gumuhit ng liwanag sa gaano man kapusikit na dilim,
Upang puso'y bolang apoy na itanim sa gubat,
O kung saan ang sinta'y napapadpad,
Tumutubo lamang ang pag-ibig sa liwanag.

Ikalawa, ang pagkilos na lagi'y buhay sa loob,
Pagmumulat sa masa
Ukol sa imperyalismong sanhi ng hirap at inhustisya
Kahit saang mundo,
Kahit saang kalawakan,
Gaano man katagal,
Pagbuwag sa metapisika
Na nagsabing lahat ng hirap, dusa't kamangmangan
Ay tadhana ng Diyos sa langit,
Kahit malinaw na ang Diyos ay negosyanteng
Humakot ng yaman sa pangungulimbat
Sa minahan, pananiman, patahian, paminggalan
Nating nagdasal, sumimba, siniphayo, sinalanta
Sa kahangalang ipinakalat nila --
Lulan ng lagim ng giyerang kanilang dala-dala saanman --
Na mapalad ang mahirap at nagugutom
Dahil pagpapalain sa kabilang buhay.
Ang bulalakaw na isip lamang ang nakakagagap nito.

Ikatlo, ang pag-aarmas,
Dahil walang tatapos sa salot ng imperyalismo
Kundi rebolusyon.
Tatawagin natin itong pagmamahal nang wagas,
Mula sa pusong nagliliyab,
Pagkaraang payabungin ang kamalayan ng masa,
Ang pag-aalsa,
Pagkaraang pamukadkarin ang pag-ibig sa laya,
Ang digmang bayan na pinanday tuwina
Ng awit, pananalig, at pangarap
Gaano man kapanganib, kalayo, katagal,
Ganoon magmahal nang wagas,
Guguhit ng apoy at liwanag sa kalawakan at gubat,
Yayabong ang pag-ibig,
Tulad n g pag-aalsa.
Wala namang halaga ang buhay kung hindi magmahal,
At paano ba kaya magmahal kung hindi nga wagas.

 

---------

Dr. Queano teaches comparative literature at UP Diliman

 

 

     
     
           
    Photos courtesy of KARAPATAN
     

 

AILEEN
by Rommel Rodriguez on Monday, September 27, 2010 at 6:54pm

Naging estudyante ko sa Humanidades at Malikhaing Pagsulat si Aileen sa unang taon ko ng pagtuturo sa kolehiyo.

Tahimik lang si Aileen noon pero sumasagot naman sa klase kapag tinatanong. Tulad ng kanyang mga ka-block, masipag silang mag-aral at masayahin. Makikita sila sa pasilyo ng FC na nagsusulat ng term papers o kaya naman, simpleng tumatambay lang habang nagkakantahan. Saka ko na malalaman na sumali sa Alay Sining si Aileen pati ang ilan sa kanyang mga kaklase. Paminsan-minsan, nakikita ko si Aileen sa mga rali at pagkilos sa loob at labas ng unibersidad.

Noong mag-thesis presentation ang mga ka-batch ni Aileen, nakita ko siyang dumalo para sumuporta. Hindi na siya enrolled noon dahil ft na siya sa pagiging organiser at human rights advocate sa mga lalawigan. Tinanong ko siya kung kelan siya babalik sa pag-aaral. At ang sabi niya, “E sir, doon ako ang guro, bakit pa ako babalik?” sabay ngiti.

Minsan nakatanggap ako ng text message na gustong makipagkita ni Aileen. Kamustahan lang daw. Pumunta kami sa isang kapihan. Agad kong napansin na nag-iba ang kanyang itsura; nag-mature ang mukha niya, iba na ang tipo ng pananamit, pati ang shoulder bag na gamit, pinansin ko dahil dati’y laging back pack ang kanyang dala-dala. Pero nag-iba man ang kanyang panlabas na kaanyuan, kapag tumatawa siya’t nagku-kuwento, bumabalik ang kanyang pagiging kabataan. Excited siya sa pagku-kuwento. Sa mga pagkakataong iyon, ako na ang kanyang naging estudyante habang masayang ibinabahagi ang kanyang mga di malilimutang karanasan.

 

 

 

Ikinuwento niya ang pagkain nila ng exotic food, kung paano nila nalalaman ang mga halaman at ugat na pwedeng kainin at yung mga nakakalason. Inilarawan niya sa akin mga magandang tanawin na kanyang nasaksihan, na marunong na siyang mag-acupuncture, na marunong na siyang magsalita ng Itawis, na minsan siyang nagkasakit at kung paano siya inalagaan ng mga kasama. Ikinuwento niya ang pag-uwi niya sa kanilang bahay sa Maynila at kung paano niya ipinapaliwanag sa kanyang pamilya ang kanyang gawain. Ikinuwento niya ang pagiging maingat kapag bumababa dahil sa mga umaaligid na tao na hindi kanais-nais. Ikinukuwento niya ito nang buong sigla habang nakangiti.

Sa isang paglulunsad ng aklat para sa mga desap kami ulit nagkita ni Aileen. Masaya niyang ipinakilala ang kanyang kasintahan. Natuwa ako para sa kanya. Bukod sa mayroon siyang pag-ibig na maituturing, patuloy ang paggampan niya sa gawain tungo sa pagpapaunlad ng buhay ng mga magsasaka sa kanayunan.

Naikuwento ni Aileen na minsa’y nasasabihan siya ng kanyang pinsan na doktor dahil uuwi siya na maysakit o kaya nama’y bumaba ang timbang. Saka niya sasabihin na kailangan niyang magpagaling at manatiling malakas sapagkat hindi biro ang sakit ng lipunan na nais niyang bigyan ng lunas.

 

 

-------

 

Prof. Rodriguez is with the Dept of Filipino and Philippine Literature, UP Diliman

 

           
     
     

 

Parangal ni Sarah Raymundo kay Aileen

 

Meron kaming joke ni Arnold tungkol sa kamusmusan. Siya nga yata ang nagimbento nito. Ang sabi niya kapag marami ka raw baby pictures ibig sabihin love na love ka ng mga magulang mo, yung tipong ikaw ang paborito, ikaw ang bida. Wala naman kaming hard evidience para rito pero pareho kaming maraming baby pictures. Kagabi, sa parangal para kay Aileen, gustong-gusto kong i-text si Arnold para sabihin na "hoy, tinalbugan tayo ni Aileen kung baby pictures din lang ang labanan!"

Hindi ko pa nga nakunan sa lagay na ito ang lahat ng larawan niya bilang bata. Sa totoo lang, wala naman siyang larawan na matanda na siya. Sa totoo lang, sino ba ang anak na tumatanda para sa mga magulang nito? At sa totoo lang, bata ang 24 years old. Maikli ang buhay ni Aileen. Pero para sa maraming nagmamahal sa kanya (siksikan kagabi sa Claret), makabuluhan ito at tila hinding-hindi malilimutan.

Noong isang taon ko lang nakilala si Aileen. Hindi ko pa nga siya nakilala agad bilang aktibista at volunteer ng Karapatan. Isang araw sabi ng matalik kong kaibigan na si Kuramz, pumunta ka rito sa office, may mga ipapakilala ako sayo, tapos kung pwede, sumulat ka naman tungkol sa kanila. Isa sa gusto niyang ipakilala si Noriel, isang aktibistang biktima ng abduction at matinding torture ng mga militar na noong mga panahong yun ay kakalaya lamang mula sa malagim na karanasan. Bakas na bakas pa noon ang torture sa mukha at katawan niya. Ni hindi ko siya kayang tingnan ng diretso, ng mata sa mata. Kapag meron kasing pinahirapan, parang meron kang responsibilidad na hindi mo nagawa. Parang gusto kong magpaumanhin sa kanya o kaya sabihin na I'm sorry for what happened to you pero baket, eh hindi pa naman kami close nung mga panahong yun. At dahil siguro mas baliw talaga ako kay Noriel, siya na ang lumapit at nagsimula ng chika. Hi teacher, alam mo kinukwento ka sa akin ng girlfriend ko. Sa isip-isip ko, hala, may girlfriend siya? Ano na lang kaya ang nararamdaman ng mga taong may karelasyon na tinorture? Eh ako nga, ni hindi ko pa kilala itong si Noriel wafaz na wafaz na ko. Sabi niya sa UP rin si Aileen. Kilala mo yun, sabi niya, pag nakita mo makikilala mo.

At siyempre pa, nakilala ko na nga sa wakas si Aileen. Akala ko nag-aaral pa rin siya kaya ang feeling ko ano ba itong si Noriel, cradle snatcher. Hanggang sa luminaw na sa akin na pareho pala silang full time na aktibista ni Noriel. Nung una kong pagpunta sa Morong 43, sa Camp Capinpin pa sila noon, kasama ko si Noriel at Aileen sa jeep. Tinanong ni Noriel kung dala ko ang malaki kong camera. Kunan ko daw silang mag-joa ng picture. Sabi ko, ayoko nga, masira pa camera ko sa inyo noh. Hanggang sa nung kukunan ko na sila, iiwasan na nila, hanggang sa naging laro na ito ng pagkuha ko at pag-iwas nila, hanggang sa nakatulog na kami sa biyahe. Naka-score ako dun kasi nung nakatagilid sila nakunan ko sila ng picture na hindi nila alam. Ito yun, http://www.facebook.com/photo.php?pid=1030652&id=1022200286&ref=fbx_album

Sabi nila, Weh panget naman, di kami sweet. Tse! sabi ko na lang.

Bukod sa mga rally kung saan lalapitan ako ni Noriel at Aileen para asarin lang ni Noriel "Uy grabe Sarah, ano na, Aileen tingnan mo o... " Iipaparamdam lang niya na malapit na niyang sabihin na tumataba ka pero siyempre pa, yung kabaligtaran noon ang sasabihin niya. So, tatawa lang ako sabay "talaga, Noriel?" at sususugan naman ito ni Aileen with matching facial expression na "pinagbibigyan ko lang kayo mga baliw, I'm above this."

Huli kaming nagkita-kita na walang ibang ginagawa kundi ang kumain at maghang-out ay noong Sabado de Gloria. Nagkita pa kami makailang beses pagkatapos noon pero busy na ang konteksto. Sa araw na iyon ng Sabado, sa bahay kami ni Roland. May feeding program kasi siya para sa Karapatan folks. Party ito, yeah! Doon excited na sinabi ni Noriel sa akin na pagkatapos ng task nila ni Aileen sa Morong 43 campaign balak nilang bumalik sa probisnya kung saan mas kailangan ang mga guro para sa literacy at numeracy program ng Kilusan, kung saan mas kailangan ng mga magsasaka ang mga mananaliksik tulad nila na tutulong din sa produksyon.

Isa si Aileen at Noriel sa pinakasulong na mga taong nakilala ko at tiyak kong isa sa pinakasulong na love team sa mundong ito. Pagkatapos naming mapanood ang play na Information for Foreigners, umiiyak si Gurley at di ko naiwasang makiiyak nang sabihin niya na alam mo Sarah, paborito kong magkarelasyon si Aileen at Noriel, ang gaan-gaan nila, ang huhusay nila.

Sa kasalukuyan, nasa hospital pa rin si Noriel, isa siya sa dalawang survivors ng malagim na vehicular accident na naganap noong September 23 sa Alcala, Cagayan Valley. Hindi pa niya alam na wala na si Aileen matapos ang aksidenteng ito. Bagamat, sabi nila Olive, tinatawag niya si Aileen sa kanyang pagdedelirio "Aileen, humawak ka sa akin, Aileen nasaan ang kamay mo..."

Siguro ganyan din ang gustong sabihin ng mga kasama, mahal sa buhay at kaibigang naiwan ni Aileen.

Tiyak na nagpapasalamat tayo para sa ambag ni Aileen sa kilusan bilang isang human rights worker. Isa na rito ang kanyang mahusay na paggawa ng menu para sa pamilya ng Morong 43 noong ilang buwan silang tinipon ng Karapatan sa safehouse habang nakakulong ang kanilang mga kaanak sa Camp Capinpin, at habang ang marami sa kanila ay hinaharass ng mga militar sa kanilang mga pamamahay. Istratehiya nila ito upang takutin ang Morong 43 na kapag di sila umano umamin ay malalagot ang kanilang mga pamilya. Si Aileen at Noriel ang cook para sa mahigit kwarenta katao. Madalas, yayayain ko si Kurams na mag-lunch. Pero nung mga panahong yun hindi mo siya mayayaya kahit saan. May pagkain daw sa opisina luto ni Aileen at Noriel, mahusay daw silang magluto, magbudget, mamalengke at mang-aliw ng mga kaanak ng Morong 43.

Nilapitan ako ni Lorraine kagabi sa parangal. Si Lorraine ang dala-dalang bata ni Noriel at Aileen nung huli kaming magkita. Siya yung bata na may kakaibang version ng Bahay Kubo na tinuro ng Nanay niyang health worker na dinakip kasma ang 42 na iba pa sa Morong. Tinabihan lang niya ko, tiningnan, niyakap. Wala siyang sinabi at bukod sa namumugto niyang mga mata, at kalmadong diwa (dahil madalas hyperactive ang bata) wala naman akong kakaibang napansin sa kanya. Wala rin akong masabi. Hindi ko masabing nakikiramay ako sa pagkawala ng kanyang Ate Aileen kasi pakiramdam ko kaya siya lumapit ay dahil alam niyang pareho kaming nawalan. Kaya sabi ko na lang, may picture ako, ikaw, si Ate Aileen at si Kuya Noriel, nasa likod niyo yung malaking painting na kinunan mo ng picture ng paulit-ulit. Saan na nga yun, tanong niya. Sa bahay ni Tito Roland. Heto ang mga larawan: http://www.facebook.com/photo.phppid=1128444&id=1022200286&ref=fbx_

album
http://www.facebook.com/photo.php?pid=1128477&id=1022200286&ref=fbx_album
 

Saan ko makikita ang picture namin, nakangiti na niyang tanong. Sa facebook sabi ko naman. Naka-itim na t-shirt si Aileen sa larawang iyon, may print na "The Clash." Ang ganda ng t-shirt mo sabi ko sa kanya, eh kung sa akin na lang kaya yan? One word lang ang sagot niya "Sana" na ang ibig niya talagang sabihin ay "asa ka pa." "Tse!" sabi ko na lang.

Ang banggit ng mga kasama sa Karapatan, andun pa rin ang table ni Aileen sa office. Siguro sa files niya andun pa rin ang mga naiwan niyang gawain. Siguro isa sa mga araw na ito, yayayain ko si Omeng na pumunta sa opisina, sa naging corner ni Aileen.


Estudyante ni Omeng si Aileen, at nung una pa niyang taon ng patuturo. Pero wala namang nanatiling estudyante para kay Omeng, karamihan sa kanila nagiging kaibigan niya. Yung iba sa kanila hinahayaan niyang siya naman ang maturuan. May sinulat na note dito sa facebook si Omeng tungkol kay Aileen, maganda, basahin ninyo ang parangal ng isang guro para sa isang kasama na naging guro rin niya. Ganito nalulusaw ang hirarkiya sa kilusang mapagpalaya, lagi akong namamangha sa ganyang pangyayari. At lagi rin akong tiwala na ipagpapatuloy ng mga kasama ang kung anumang gawaing naiwan ni Aileen http://www.facebook.com/notes/rommel-rodriguez/aileen/438140470686.

At sa mga hindi nakakaalam, mahilig magpakuha si Aileen at Noriel ng mga larawan bilang joke at lagi po silang nage-emote ng todo, okay ba' okay ba, pang-parangal ba ang level?

Kwelang-kwela talaga. Pero sabi nga nila hindi lang naman lokohan parati ang mga jokes. Alam kong isa ito sa mga paboritong joke ng mga kabataang aktibista. Sila na todo-todo kung magdiwang ng mga napanalunang kampanya at todo-todo kung tumawa at magsaya, sila na laging magaang kahit bonggang-bongga rin kung magalit at sila, kagaya ni Noriel, ni Aileen, na laging handang harapin hindi lamang ang saya, gaang kundi pati ang panganib sa pakikibaka. Sila na nakakaalam na pag andiyan na ang panganib, swerte ka kung makaligtas. Sila na sa pamamagitan ng mga jokes hinggil sa mga pictures, ang page-emote sa harap ng camera, siguro ay gusto lang, kagaya ni Aileen, na maalala siya sa mga larawang talaga namang pagkagaganda na parang kinarir ng husto. Dahil ganon din kaganda ang kanyang pakikibaka na kinarir niya ng husto. Aileen, alam kong hindi mo na ako maririnig, pero gusto ko pa ring sabihin na kung nakita mo lang ang exhibition ng mga larawan mo sa loob at labas ng iyong lamayan, mygad, tunay kang nagtagumpay! Paalam at maraming, maraming salamat.

 

 
 
 
 
 
 
     

 

Re: Huling Liham kay Aileen

ni Shayne Garcia

Mahal na Aileen,

Kahapon pagkatapos ng libing mo, sumakay kami sa ikot dyip na inarkila ng pamilya mo para sa mga nakipaglibing sayo. Kasama namin ni Candice sina James at Poy ng HLI. Nasa burol mo kahapon sina Nong, Jef atbp. Ilang araw akong hindi makatulog. Nag-aalala akong baka hindi sila makapunta. Yan ang parati mong sinasabi sa akin noon—na kung mawawala ka, gusto mong iburol ka o kahit idaan man lang sa HLI. Ikinwento nila sa akin noong magpunta ka doon nitong Nobyembre lang noong isang taon. Usapan nating sabay tayong pupunta kaso hindi na ako nakasama dahil nasa labas ako ng bansa para sa ilang mga gawain. Hindi ka raw nila nakilala—iba ang bihis, iba ang itsura at kung hindi ka pa nga raw nila titignan ay hindi ka nila makikilala. Ikinwento nila kung papaano ka biglang susulpot at mawawala. Biglang tatabihan mo na lang daw sila at tatanunging ‘kilala mo pa ba ako?’ Si Nanay Leonor lang daw ang nakakilala sayo.

Mula Himlayang Pilipino hanggang UP, naaalala ko yung mga panahong sumasakay tayo sa ikot dyip. Naisip kong kakaunti lang din pala ang alaala natin sa ikot, mas gusto mo ang naglalakad. Bukod sa sayang ang P 3.50 (pamasahe sa ikot dyip noon), gusto mo ang scenery, gusto mo ang naaarawan. Parati mong sinasabi sa akin kapag pinipilit kitang sumakay na ‘ayan kasi ang puti-puti mo kaya madaling naiirita ang balat mo.’

Dinaanan namin ni Candice ang mga lugar na dating pinupuntahan natin—mga lugar na naging bahagi ng buhay mo. Naaalala ko kung papaano mo ikinikwento yung mga simbang gabi niyo nila ate lani. Ang sabi mo, tuwing simbang gabi ka lang nagsisimba kasi pwede kang mag-wish. Dinaanan din namin ang bahay niyo dati sa may area 2. Naaalala ko yung mga gabing pinatuloy niyo kami tuwing kailangan nating mag-overnight. Huminto kami sandali at sa mga sarili namin, taimtim kaming nagpaalam.

Nagbago na rin pala ang track oval ano? Marami nang mga upuan at bulaklak. Ikaw ang unang nagpakilala sa akin ng ganda ng track oval tuwing sunset. Umupo kami sandali para magpahinga. Si Candice, ganon pa rin, parang ikaw, hindi mapakali sa kanyang camera. Pinicturan niya ang mga bulaklak, ang mga paru-paro at tutubi. Noon lang daw siya nahilig sa nature bilang subject. Naaalala kita. Noong nagsisimula ka palang sa photography. Paborito mong subject ang iyong sarili. Kaya nga parati kitang sinasabihang ang narcissistic mo naman, pabiro lang naman. Magpipicturan tayo sa CAL gamit ang SLR mo. Yung unang kuha ko nga pala sayo gamit ang SLR nasa pamilya mo na. Isinama namin sa exhibit noong burol mo, pagkatapos ibinigay naming lahat sa pamilya mo. Gusto kong ipagmalaki sa lahat na ikaw ang unang nagtyagang magturo sa akin ng photography noong di pa uso ang DSLR--sipatin ang problema ng lipunan sa pamamagitan nito at kahit papaano'y makatulong sa pagbabago nito. SLR pa lang ang gamit noon. Naaalala ko kapag isinasama mo akong magdevelop sa Film, parati mo akong kinukwentuhan ng mga nakakatakot dahil alam mong matatakutin ako, pagkatapos bigla kang tatawa at sasabihing parang baliw ako (at tulad nga ng pabirong sabi ng nanay mo sa libing kahapon, wag mo kaming tatakutin ha?).

Nagpunta kami sa Trigo para magkape (wala na pala ang Oz Café, alam mo na?). Bigla naming napagkwentuhan ni Candice na hindi pala tayo nakapag-Starbucks kahit minsan? Masaya ka na dati sa Jollibee. Paboritong-paborito mo ang spaghetti nila. Tapos kapag umoorder ka ng burger, parati mong pinapaalis ang ketchup at ang mayonnaise. Para kang batang parang na-solve na ang problema makarating lang sa Jollibee. :p Naalala ko nung SONA 2009 (o 2008?). Kumain tayo sa Jollibee nila Noriel at Aie tapos hiyang-hiya kayong dalawang magpalibre. Sabi mo ganon lang talaga si Noriel, mahiyain sa mga di pa niya kakilala. Tapos nagsimula na akong magkwento, at ibinulong sayo ni Noriel na ‘baliw din pala yang kaibigan mo no?’

September 8 sa film center nung huli tayong magkasama nila Candice at Cheng. Doon ka rin nagpaalam nung unang beses kang umalis para makipamuhay sa mga magsasaka noong 2007. Ako lang ang nakakaalam na aalis kayo noon. Sabi sa akin ni Candice, ‘ganon pa rin si aileen no? hindi nagpapaalam kapag aalis.’ Tinatanong kita kung kailan tayo magkikita ulit, ang sabi mo matagal na matagal pa, matagal na matagal. Naaalala ko yung mga kuha natin habang nagtatalunan. Tawa ka pa nga nang tawa sa isa kong kuha na mukha akong palaka. Hindi ako makatalon nang mataas. Pero ikaw, parating ikaw ang pinakamataas tumalon sa ating lahat.
 

 


Huling beses tayong nagyakapan sa tapat ng bahay ng alumni. Huminto kami ni Candice habang inaalala yun. Napakalaki na nga ng pinagbago mo Aileen, dati-rati nandidiri ka kapag may yumayakap sayo. Nandidiri ka sa mga kwentuhang magkarelasyon na nakakakilig. Kaya nga sa tuwing ikinikwento mo sa akin ang mga kilig moments niyo ni Noriel, alam kong hiyang-hiya ka. Halata kaya sa mata mong pagkalaki-laki. :D Tayo ang huling magkasama nong gabi na yun. Sabay tayong nagpunta sa may sakayan sa Commonwealth. Pinagkukwentuhan natin habang naglalakad ang mga plano ko, ang sentimyento ko. Sinabi mo sa aking intindihin ang mga tao sa paligid ko. Hindi ka nagsawang ipaliwanag sa akin ang lahat.Nang may dumating na dyip na Anonas, tinanong mo ako kung okay lang bang mauna ka na. Ilang beses mong pinaulit-ulit. Ang sabi ko sige okay lang, mauna ka na. Hindi naman ito ang ibig kong sabihin Aileen, kaw talaga.

Doon kami dumaan sa may likod ng film center, tabi ng UP theatre-- naaalala ni Candice nung unang beses na ipinakilala mo sa kanya si Noriel, may play noon tungkol sa buhay ni Joma. Kitang-kita raw ni Candice kung gaano ka kasaya. Tapos bigla ko namang naalala yung script na ginawa mo para sa isang dula ng KARATS tungkol sa HLI. Ikaw ang nagyaya sa aking sumama sa isang BMI sa HLI noong 2004. Bilang mga bagong writers, gusto lang natin ng materyal noon-gusto natin ng isusulat. Tapos nung 2005-06, doon na tayo nakipamuhay sa mga magsasaka at mangagawa ng asukarera. Ang hirap palang magbungkal ng lupa ne? Pero dahil parang lalaki pa yang katawan mo noon, kayang-kaya mo ne? Paborito ka ng mga kabataan doon, ako naman ng mga kananayan at mga bata. Nagsesenti ako sayo kasi bakit sakin parang naiilang sila. Pero matyaga mong ipinaintindi sa akin kung bakit.

Nilakad namin ang buong acad oval. Dumaan sa Vinzon’s at sa iba’t ibang lugar na pinuntahan natin. Huminto kami sandali sa tapat ng Vinzon’s hill kung saan tayo madalas dati—nagkukwentuhan, nagkakantahan, kahit pa parehong hindi maganda ang boses natin. Ikinukwento mo nung andun ka na kumakanta ka pa rin kahit panget ang boses mo. Tuwang-tuwa ka dahil naaappreciate ng masa. Sinabi mo sa aking hindi nila iniisip kung panget o maganda ang boses mo, ang mahalaga’y may inalay ka para sa kanila. Nagpunta rin kaming FC, kumain si Candice ng pasta ako naman soya drink lang. Kung andoon ka, sigurado akong yung spaghetti nila ang oorderin mo. Dumaan din kami sandali sa CAL building, nasa UP ka pa nang matayo ang building na yun. Naaalala mo nung unang beses akong sumama sa mob? Ikaw din ang nagyaya sa akin. Nakatingin tayo mula sa isang bintana ng classroom sa CAL habang may mga estudyanteng nanghihikayat sumama sa rally. Ikinwento mo kung papaano kayo dinahas ng mga kapulisan nung kasagsagan ng kampanya sa SB2587. Ayoko pang sumama noong una pero kwentista ka talaga, naengganyo ako sa mga kwento mo. Naghahanap din ako ng karanasan noon, ng saysay sa mga isusulat ko. Binuddyhan mo ako. Tawa pa nga ako nang tawa sayo kasi ang inaalala mo noon yung bagong tsinelas mo na kakabili lang ng mama mo. :D Ang bagal-bagal kong tumakbo pero inalalayan mo ako.

Nagpaalamanan na kami ni Candice. Hinatid niya ako sa shed. Ayaw pa naming maghiwalay na dalawa kahit maggagabi na. Parang stream of consciousness na dumapo sa aking isipan ang lahat ng mga karanasan natin, lahat ng mga bilin mo—na kung may pera ako ibili ko ng KFC ang mommy mo dahil paborito niya yun, na mga malalambot na pagkain lang ang kinakain niya, na dalawin kita doon tuwing summer o Christmas, na kumakain ka na ng gulay ngayon, na marunong ka nang mag-acupuncture, at magsalita ng wika nila, na umaaarte ka na ulit, na maliit o malaking kontribusyon man ay mahalaga at hindi susukatin ang pagiging rebolusyonaryo mo sa pamamagitan niyan.

Nang sumakay ako ng dyip naisip ko, biglang isang araw magtetext ka ulit sa akin, makikipagkita sa Jollibee (nalibot na yata natin ang lahat ng branches ng Jollibee sa tuwing magkikita tayo)—muling magkukwentuhan (ibabahagi ang mga bagong karanasan sa kanayunan), magtatawanan..muling magpapaalamanan. Hindi man siguro sa pamamagitan mo Aileen, sa pamamagitan naman ng ibang kabataan--katulad mo rin, mabubuting anak ng bayan.

Walang hanggang paalam,
Shayne

     
     
     
     
=          
           

ALBERTO "BRUKS" DELLORO

1974 - 2010

==          
     
     
     

 

Para kay Bruks: Simpleng Tao, Kuya, Tatay, Kaibigan at Kasama
by Jonna Baldres

September 28, 2010 at 8:42pm

Maaaring hindi ka nila kilala dahil wala ka namang pusisyong pang-nasyunal o anumang prominenteng katayuan. Isa kang organisador sa komunidad at sa mga eskwelahang nililibutan. Ikaw ang Kuya, Tatay, kaibigan at kasama ng lahat. At kahit makulit minsan at napapagalitan, ay walang dudang may pagpapahalaga nang sobra sa mga gawaing ini-atas.

Agosto 2008, doon sa Lawa ng Laguna nang una kang nakilala. Nakipamuhay ng ilang araw sa mga mangingisdang may banta ng demolisyon mula sa gobyernong ang kinakatigan ay ang mga kapitalistang magtatayo raw ng 'mall' sa erya. Ilang buwan ding nakasama, na tulad din ni Tanya*, sa piket ng mga manggagawang tinanggal sa Kowloon House. Mainstay tayo roon. Nagbabantay na hindi mabuwag ng mga sikyu ang mga kubol. Nakikipag-usap, nakikipamuhay at tumutulong sa abot ng ating makakayang mapataas ang kamulatan ng mga manggagawang nawalan ng trabaho't araw-gabing natutulog sa kalsada.

Madalas din, ikaw ang kasa-kasamang lumilibot sa mga paaralang nakatoka sa atin. Nangungumusta sa mga estudyanteng miyembro ng masang organizasyong pang-kabataan na ating kinabibilangan. Maging sa komyu, ikaw ang sumuyod sa mga bahay-bahay upang makapagpadalo sa porum tungkol sa kontra kulim-VAT (Value Added Tax) at sa Cha-Cha ni Gloria. Matiyaga kang nagpaliwanag sa mga nanay at tatay kung bakit kailangang tutulan ang mga ito at kung bakit kailangang sama-samang kumilos at lumaban ang mamamayan.

Sa ilang mga pag-uusap natin noon, nasabi mong marami kang nagawang kalokohan noong kabataan mo. Pero napagtanto mo, tumatanda ka na at kailangan nang magbago -- tulad ng pagbabagong dapat mangyari sa lipunan. Kaya naman nagsikhay kang magpanibagong-hubog, at ika mo nga, kahit matanda na, ay hindi pa huli ang lahat para magsimulang kumilos.

Alam mo ang solusyon kaya't sinuong mo ang hamon ng panahon. Noon pa man ay gusto mo nang gampanan ang tungkuling ito. Sa tuwing may aalis ay tila gusto mo nang sumama. At nito ko lang din nalaman na natupad mo ito.

Maaaring hindi ka nila kilala dahil hindi naman nila nakita ang iyong mga nagawa. Pero kasama, sa pagpanaw mo ay manalig kang malaki ang iyong nai-ambag. At mahimlay ka sanang ang nasa isip ay hindi ka tumanda nang walang pinagkatandaan.

Bruks, ikaw ang nagpapaalala sa akin ng pinaka-paborito kong tula:
 


**MGA APULITIKAL NA INTELEKTWAL

Isang araw
ang mga apulitikal
na intelektwal
ng aking bansa
ay uusigin
ng pinakapayak
sa mga mamamayan.

Tatanungin sila
kung ano ang ginawa nila
habang ang kanilang bansa’y naghihingalo
nang dahan-dahan,
tulad ng matamis na apoy
mumunti at nangungulila.

Walang magtatanong sa kanila
tungkol sa kanilang magagarang damit,
sa mahahaba nilang siyesta
matapos ang tanghalian,
walang magnanais makaalam
tungkol sa kanilang malinis na pakikitunggali
sa “ang ideya
ng wala”
walang makikialam tungkol
sa kanilang kalaamang pampinansiya.

Hindi sila tatanungin
tungkol sa mitolohiyang Griyego,
o tungkol sa kanilang pagkamuhi sa sarili
kapag ang isa sa kanila
ay nagsimulang mamatay
sa duwag na paraan.

Hindi sila tatangungin
tungkol sa kanilang absurdong
mga pagbibigay-katwiran,
isinilang sa anino
ng buong kasinungalingan.

Sa araw na iyon
darating ang simpleng mga tao.

Silang mga walang lugar
sa mga aklat at mga tula
ng apulitikal na mga intelektwal,
pero araw-araw na naghahatid
ng tinapay at gatas,
tortilya at itlog,
silang mga nagmamaneho ng kanilang kotse,
silang nag-alaga ng kanilang aso’t mga hardin
at nagtrabaho para sa kanila,
at itatanong nila:

“Ano ang inyong ginawa nang ang mga dukha
ay nagdusa, nang ang pagkalinga
at buhay
ay tumakas mula sa kanila?"

Apulitikal na mga intelektwal
ng mahal kong bansa,
hindi kayo makasasagot.

Isang buwitre ng katahimikan
ang sasakmal sa inyong bituka.

Ang sarili ninyong kalungkutan
ay uuk-ok sa inyong kaluluwa.
At mapipipi kayo sa inyong kahihiyan.

 

At ikaw, Bruks -- ikaw na simpleng tao at walang lugar sa aklat at mga tula ng mga apulitikal na intelektwal -- ay tumungo sa kanayunan upang ipagtanggol nang walang kapalit ang nagdurusang mga dukha. Hinding-hindi ka dapat mapipi sa kahihiyan. Buhay ang diwa mo sa bawat masang iyong pinaglingkuran. At hindi kailanman masusukat ang iyong pagkatao sa dami ng kalokohang iyong nagawa sa panahon ng iyong kabataan, maging hindi sa ikli o haba ng iyong buhay, kundi sa halaga at kabuluhan ng mga nagawa mo para sa masang api at pinagsasamantalahan -- maliit man o malaki, anuman ang naging paraan ng iyong pagpanaw. Tiyak, maraming susunod sa 'yong mga yapak at magtutuloy ng ating laban.

Paalam, Bruks. Hanggang sa muli at sa tagumpay.

*http://www.facebook.com/notes.php?id=698851562&notes_

tab=app_2347471856#!/note.php?note_id=260452412866


**Isinalin ni Soliman Santos mula sa Ingles ng "Apolitical Intellectuals" ni Otto Rene Castillo.

---------

 

Jonna Baldres graduated from UP Diliman, BS Fine Arts major in Visual Communications

 

 

     
     
     
     
     
     
     
           

Friday, October 1, 2010

Para kay kasamang Bruks

 

Simple lang ang iyong kabaong. Kabaong ng mga pangkaraniwang tao. Hindi rin kaaya-aya ang lugar kung saan ka ibinurol. Pero alam kong payapa ka dahil ang simpleng kabaong kung saan ka nakahimlay ay naglalarawan ng kapayakan ng buhay mo at ang hindi kaaya-ayang lugar kung saan ka ibinurol ng ilang araw ay ang lugar kung saan ka minahal ng mga masang inorganisa mo.

Tama si Jonna Baldres na marahil ay hindi ka nga kilala ng karamihan sa hanay natin dahil wala kang posisyong pang nasyunal. Organisador ka kasi sa komunidad at sa malawak na hanay ng maralita sa inyong lugar. Aaminin ko, hindi rin kita kilala. Nakikita pero hindi nagkaroon ng pagkakataong makausap o makilala. At sa totoo lang, hindi pamilyar ang pangalan mo para sa akin at sa mukha lang kita kilala. Kaya nung nakita ko ang larawan mo, nagulat ako at sabi ko sa sarili ko, ikaw pala ang sinasabi nilang patay. Pagkatapos kong makita ang larawan mo ay nag-post agad ako sa facebook account ng status message na “isang karangalang makasama ka sa mga pagkilos ng hindi ko man lang namamalayan”.  Pasensya na talaga pagkat hindi kita kilala at hindi kita kinilala.

Pero hindi man kita nakilala at hindi ko rin alam ang naging gawain mo, malinaw naman sa mga iniwang mensahe ng mga taong nakasama at minulat mo na may pambihira kang husay sa paggampan ng mga tungkulin para sa pagsusulong ng panlipunang pagbabago. Sa kabila ng pang-ekonomiyang kakapusan ay hindi ka nag-atubiling kumilos. Sabi nga nila, mahusay ka! At tingin ko ay mahusay ka hindi lamang dahil sa wala ka na kundi mahusay ka dahil sa mga masang nagpahayag ng kahusayan mo para sa kanila. Sila yung mga taong sa kabila ng pagkakaroon mo marahil ng hindi katanggap-tanggap na estadong panlipunan (dahil sa kasadlakan sa kahirapan) ay ginawang inspirasyon ang kadakilaan mo. Ipinakita mo kung paano ang magpakatao. At mas naging makabuluhan pa ang buhay mo sa mga may karangyaang ngunit wala naman ginagawa para sa bayan. At ako mismo ay humanga sa mga nalaman ko tungkol sa iyo. Hindi man naging maganda ang naging simulain ng buhay mo, nagpupugay ako dahil sa namatay ka ng nagpapakabuti bilang tao. Namatay ka na ipinaglalaban ang mamamayan. At namatay ka hindi lamang para sa sarili ngunit para sa kalayaan ng mas marami. Tinahak mo ang masalimuot na landas ng pakikibaka kahit alam kong sawa ka na sa kasalimuotan ng buhay mo. Tinahak mo ang landas ng makabuluhang laban para sa ganap na kalayaan at sapat na iyon para ikaw ay pagpugayan.
 

At sana ay naririnig mo pa ang pagpupugay ng mga taong naging bahagi ng pag-unlad mo at ang pagpupugay ng mga masang ginawang inspirasyon ang buhay mo. Pinagpupugayan ka ng mga masang inorganisa mo at tinitiyak kong pagpupugayan ka pa ng mas malawak na hanay ng mamamayang Pilipino sa panahon ng ganap na paglaya nito. At sa panahong ito ay muling dadakilain ang payak ngunit makasaysayang buhay at kamatayang inalay mo sa sambayan!

Tulad pa rin ng mensahe ng iyong kaibigan si Jonna Baldres, marahil ay wala kang lugar para sa mga sikat na libro at pahayagan ng mga apolitikal na intelektwal, hindi rin magiging prominente ang iyong kamatayan sa kasalukuyang lipunan ngunit tatandaan mong malaki ang puwang na nakalaan sa iyo sa piling ng masang labis mong minahal.

LUPA, SAHOD, TRABAHO AT KARAPATAN, IPAGLABAN!

PAGPUPUGAY SA IYO KASAMANG BRUKS!
MABUHAY ANG IYONG KADAKILAAN!
PINAGPUPUGAYAN NAMIN ANG MAKABULUHANG BUHAY AT KAMATAYANG INALAY MO PARA SA GANAP NA PAGLAYA NG SAMBAYANAN!


P.S.

Madalas daw ay banggitin ni kasamang bruks na "YS FOREVER" at ngayon alam na nila ang ibig sabihin nun. Namatay si kasamang Bruks sa edad na 35 at pasok pa siya sa edad ng mga kabataan. YS forever talaga! :-) Paalam at hanggang sa tagumpay, kasama

 

 
 
           
           
**          

 

 
 

Google