Remembering revolutionary martyrs Frankie Soriano aka Greg Bañares,
Christine Puche and Ted Palacios on their first death anniversary

Naga City and Legazpi City

 

July 4, 2014

/p

 

 

     
   
 

Click link below for Tribute page posted  in 2013
:http://www.arkibongbayan.org/2013/2013-07July13-GregNelTed/TributePageSorsogon8.htm
 
/p

/p
Photos courtesy of Vince Casilihan
           
     
     
     

.

 

Peryodismong Pulahan:
Sa alaala ni Christine Puche (1976-2013)
by Marijoe Monumento
Pinoy Weekly



Sa mga pasilyo ng gusaling Plaridel ng Maskom, mga silid-aralan, dormitoryo, at tambayan ng UP Diliman, minsang tumuntong si Christine Puche, estudyanteng tubo sa syudad ng Legazpi sa probinsya ng Albay. Naaalala siya ng mga kakilala bilang miyembro ng isa o dalawang cause-oriented group sa unibersidad. Tahimik sa klase, tsinita, maliit ang katawan. Hindi man naging personalidad sa buong kampus, naging presidente si Christine ng pinakamalaking organisasyon ng mga estudyanteng Bikolano noong Dekada ‘90, ang UP Ibalon.


Taong 1997, nagtapos si Christine sa kursong Peryodismo o BA Journalism.
Ang pangalan ni Christine Puche ay magkakaroon ng napakaliit na puwang sa pambansang midya. Mahigit labinlimang taon matapos gumradweyt, biglang nabasa ang pangalan niya sa mga pahayagan, narinig sa radyo‘t telebisyon, at sandaling umugong sa social media network ng mga kaibigan. Ngunit – hindi bilang bilang byline ng manunulat, mukha o tinig ng kilalang brodkaster o tagapag-ulat – kundi bilang bahagi ng datos sa mismong balita ng engkwentro sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng New People’s Army (NPA) sa Bikol.
 

Kasama sa walong (8) kaswalti ng NPA si Christine Puche sa labanan sa Barangay Calomayon, Juban, Sorsogon noong Hulyo 4, 2013.
Kinumpirma ng NPA na nasawi ang tagapagsalita (spokesperson) ng National Democratic Front (NDF) sa Bikol, si “Greg Bañares” na ang tunay na pangalan ay Frankie Joe Soriano, at ang kanyang asawang si “Ka Nel” – si Christine.
Si Soriano at isang pang nasawi, si “Ka Gary” o Ted Palacio, ay mga gradweyt ng Ateneo de Naga University. Si Palacio, dating propesor sa computer science. Ayon sa NPA, hors d’combat o wala nang kakayanang manlaban ang tatlo nang paslangin ng tropa ng AFP. Si Bañares ang lokal na “Ka Roger Rosal” – kinikilala ng midya sa Bikol, gaya ng pangalang “Ka Oris” sa Mindanao o “Ka Filliw” sa Cordillera na mga tagapagsalita rin ng NDF sa kani-kanilang lugar. Sa ulat ng AFP, si Christine – o “Ka Nel/ Ka Abby” – ay editor din diumano ng “Dagundong ng Bikol.”
 

Si Puche, ayon na rin sa NPA, ay kasapi ng Public Information Bureau ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Bikol: “Bahagi ng propaganda staff ng Silyab, rebolusyonaryong pahayagan; Dagundong ng Bikol, rebolusyonaryong programa sa radyo; Isnayp, rebolusyonaryong midya; Punla at Ang Gerilya. (K)atambal niya ang asawang si Ka Greg sa pagsisiwalat ng katotohanan at pagbibigay-tinig sa taumbayang lumalaban.” Pinarangalan ng NPA ang walong “martir ng rebolusyon,” at sina Puche at Soriano bilang “huwarang mag-asawa at lider.”
 

Kakaibang Peryodismo
 

Patuloy na paksa sa akademya ang rebolusyon: sa pag-aaral sa “panitikang saksi” o testimonial literature (Arinto, 1995); sa eksibisyon at pagsusuri ng obra ng rebolusyonaryong pintor na si Parts Bagani ng NPA-Mindanao (Lulu, 2007). Inilimbag ng UP ang mga aklat na gaya ng Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas (Guillermo, ed., 1998) at Agaw-dilim, Agaw-Liwanag (Abreu, 2009) na mula sa tuwirang karanasan ng mga awtor sa rebolusyonaryong kilusan. Dinumog ng libu-libo ang University Theater sa parangal sa yumaong rebolusyonaryo na si Ka Roger Rosal nitong 2011.
 

Nang maging balita ang pagkamatay ni Puche noong nakaraang taon, binanggit ni Prop. Danilo Arao sa kanyang kolum sa Pinoy Weekly ang “kakaibang peryodismo” ni Christine, na minsang naging estudyante niya sa Maskom. Pero paano isasakongkreto ang sinasabing “peryodismong” ito? Noon ay sapat na ang kwento-kwento, at ilang sipi mula sa putikang notbuk ng mga nabuwal na rebolusyonaryo. Ngayon, mas madaling makikita ang “kakaibang peryodismo” ng mga gaya ni Christine Puche, dahil na rin sa inobasyon ng “rebolusyonaryong midya” sa mga bagong anyo at teknolohiya.


Isang klik sa internet ay tatambad ang mga publikasyon ng CPP-NPA sa Bikol sa panahong inilagi roon ng mag-asawang Puche at Soriano. Bilang tagapagsalita ng NDF, si Bañares (Soriano) ay di lang nagpaunlak sa mga interbyu sa radyo – may sarili siyang account sa Facebook, Twitter at may blog ng napapanahong mga pahayag na minsa’y singhaba rin lang ng text o tweet.
 

Ang Silyab na “pangmasang pahayagan” ng rebolusyonaryong kilusan sa Bikol ay lokal na bersyon ng Ang Bayan, ang opisyal na publikasyon ng CPP sa buong bansa. Maaaring iniimprenta pa rin ang ito sa lumang paraang mimyograp at V-type, pero ngayon ay madali nang mada-download bilang PDF. Ang punla ay pampanitikang dyornal na may mga tula, awit at kuwento. Magazine-format naman ang Gerilya, laman ang mga lathalain tungkol siyempre, sa buhay-gerilya.
 

Kung dadalawin ang philippinerevolution.net/publications, mapapansin na di lang sa Bikol masigla ang paglalathala ng mga rebolusyonaryong babasahin. Sa mga publikasyong ito ay nagbubuklod ang mga rehiyonal na lengguwahe sa rebolusyonaryong paninindigan, at nagiging dinamiko ang samu’t saring anyo ng katutubong panitikan mula sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Sapat upang bumuo ng bagong edisyon ng antolohiyang Muog, saklaw ang panahon matapos ang unang paglilimbag noong 1998.
Inobasyon

 

Kabilang si Christine sa grupong Isnayp na di-miminsang napansin sa nasyunal at maging internasyunal na midya. Nitong 2011, naging kontrobersyal ang pagpapalaganap ng Isnayp sa isang torture video na sangkot ang mga opisyal ng 9th Infantry Division ng AFP sa akto ng pambubugbog sa mga sundalong treyni.
 

Pero hindi sa ganitong tipo ng unang nakilala ang Isnayp. Sa programang Frontlines na lumabas noong 2006 sa dating ABC-5 (ngayon TV-5), nabanggit nga ng dokumentaristang si Ed Lingao sa kasagsagan ng red-tagging ng rehimeng Arroyo sa mga itinuturing nitong “kaaway ng estado”: “Kung nababahala (ang gobyerno dahil) may NPA na sa midya, hindi na nila kailangang maghanap pa. Mismong mga NPA kasi, pinapapelan na ang trabaho ng midya.”
 

Noong maagang bahagi ng dekada 2000, ang “programa sa radyo” na Dagundong ng Bikol (DnB) ay nagsimulang maging anyong bidyo at pinalaganap sa masa sa VCD format. Ang pinakahuling episode ng DnB (2012) ay naka-upload sa channel na Isnayp Media kasama ang repositoryo ng 100 video clips mula sa Isnayp.
 

Ang DnB ay pinaghalong newsreel at news-magazine na laman ay balita tungkol sa digmang bayan sa Bikol: mga lokal na isyu at problema sa rehiyon at kaakibat nitong mga pagkilos at aksyong masa, at maging mga ambus at reyd ng NPA laban sa AFP – mga paksang madalas ay walang puwang o walang “patas” na pagbabalita sa dyaryo, radyo at telebisyon.

 

Nakipagsabayan ang grapiks ng DnB sa karaniwang makikita sa TV, at nag-ere ng mga rebolusyonaryong kanta sa popular na pormang music video at videoke. May mga payak na drama, may tips o gabay-pangkalusugan, at sa dulo, may greetings portion din mula sa masang tumatangkilik. Maging sa naunang dokumentaryong “Propaganda War” ng ABS-CBN Correspondents noong 2004, pansin ng midya ang kakaibang produksyon sa “mobile newsroom ng Isnayp. Sa “hiram na gamit at piniratang softwarenaprodyus ang dokumentaryong “Bagati (Kaluskos): Sa Bawat Hakbang ng Pulang Mandirigma” at ang buong “coverage” ng pagkabihag at pagpapalaya sa prisoners of war(POW) na sina Lt. Fidelino at Pfc. Nemeno (2004).
 

“Kinainggitan” sila ng mga reporter dahil kayang solohin ng Isnayp ang pinag-aagawang exclusive– syempre, dahil ang may hawak ng kamera ng Isnayp ay kabilang din sa mga armado. Halos kasabayan lang ng Isnayp noon ang tinaguriang independent filmmakers at alternatibong midya sa “rebolusyonaryong inobasyon” sa paggamit sa bagong digital format sa bidyo at pelikula. Pero maitatanong: ano pa ba ang mas “rebolusyonaryo” kaysa sa paglikha ng pelikula sa gitna mismo ng rebolusyon? Sa pagbabalita ng lokal na midya sa engkwentro sa Sorsogon na kumitil sa buhay nina Soriano at Puche, makikitang inani ng “rebolusyonaryong midya” ang paghanga at respeto mula sa “katulad na mga mamamahayag” sa Bikol.
 

Sa unibersidad, hinuhubog ang mga estudyante bilang peryodistang responsable at kritikal, mulat sa pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag, at huwaran sa pinakamataas na pamantayang propesyunal at etikal. Sa mundo ng midya ay hindi nagkapangalan si Christine Puche – manunulat at bidyograper siya na hanggang libing ay walang ibang sariling litrato kundi ang kanyang graduation picture bilang Iskolar ng Bayan. “Walang mukha at walang pangalan,” tinalikuran ni Christine Puche ang propesyon upang mag-armas at lumikha ng propaganda para sa rebolusyon. Propaganda – gaya ng marangal na gawain ni Plaridel, ang bayaning katukayo ng tinuntungan niyang gusali sa Kolehiyo ng Pangmadlang Komunikasyon.

Unang Bahagi ng Bagati ng Isnayp:


- See more at: http://pinoyweekly.org/new/2014/07/peryodismong-pulahan-sa-alaala-ni-christine-puche-1976-2013/#sthash.Xp9DeCPO.dpuf

 

     
     
     
     
     
     
           
     
     
     

.
IN LEGAZPI CITY
Ika isang taon

ANG PAGMAMAHAL AYON KINA KA GREG AT KA NEL
Posted on July 8, 2013 by ndfbicol

PINAKAMATAAS NA PAGDAKILA ang iginagawad ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan, at National Democratic Front sa rehiyong Bikol para sa mag-asawang martir ng rebolusyon na sina Ka Greg Bañares at Ka Nel.

Sagisag ng rebolusyonaryong pag-iibigan ang naging relasyon ng dalawang kasama. Itinugma nila ang kanilang pagmamahalan sa mga tungkulin sa rebolusyon. Karugtong ng kanilang pagmamahal sa isa’t isa bilang mag-asawa, ay ang pagtuon ng gayong pagkakabigkis upang mapaghusay ang kanilang pagsasakatuparan ng mga gawaing iniatang ng Partido. Gayundin naman, ang pagpapauna ng bawat isa sa paglilingkod sa mamamayan ang higit ding nagpatibay sa pagtatangi nila sa isa’t isa.

Naging magkasintahan sina Ka Greg at Ka Nel noong 1996 nang organisador pa ng mga Bikolano sa Kamaynilaan si Ka Greg, habang si Ka Nel naman ay aktibo sa pag-oorganisa laban sa maka-imperyalistang GATT-WTO. Nabuo ang kanilang paghanga sa isa’t isa pangunahin dahil sa taglay ng mga kasama ang pagkatig sa mamamayan. Nangingibabaw na batayan din ang mga personal nilang pagkakasundo at ispesyal na turingan. Ikinasal sila noong 1999 sa sonang gerilya sa Albay at nakatakda sanang ipagdiwang ang ika-14 taon ng kanilang kasal sa Partido Komunista nitong Hulyo 7. Ilang panahon din silang magkahiwalay ng gawain, at nagkalapit lamang noong 2001, nang nasa Panrehiyong Kawanihan sa Instruksyon si Ka Greg, at pinamumunuan naman ni Ka Nel ang Istap sa Propaganda ng rehiyon.

Magkatambal sa lahat ng usapin at laging okupado sa mga rebolusyonaryong tungkulin sina Ka Greg at Ka Nel. Magkatuwang sila sa gawaing propaganda, magkaagapay sa mga personal na hamon, at nagsusuportahan sa paglutas ng mga problema. Kung mas mapangahas si Ka Greg sa mga ideya sa trabaho, sinusuhayan naman ito ni Ka Nel sa kanyang pagiging mapanlikha at mapamaraan sa implementasyon. Habang epektibong gumagampan si Ka Greg ng kanyang gawain bilang tagapagsalita ng NDF-Bicol, higit naman itong napatitingkad ni Ka Nel dahil sa kanyang mayamang ideya sa pagpapalaganap sa mas midya ng rebolusyonaryong paninindigan. Ang prestihiyong tinatamasa ngayon ng rebolusyonaryong kilusan sa Bicol ay resulta sa isang bandang di- masukat na dedikasyon at masinop na pagtutulungan nina Ka Greg at Ka Nel upang higit pang ilapit ang rebolusyon sa mamamayang Bikolano.


Sa kabila ng patung-patong na mga gawain, hindi kinakaligtaan nina Ka Greg at Ka Nel ang pagpapaunlad din ng kanilang relasyon bilang mag-asawa. Sa mga panahong magkalayo sila sa isa’t isa, tinitiyak nila ang tuluy-tuloy na komunikasyon. Nang minsang mabalitaang nakubkob ang platun nina Ka Nel sa Albay at ilang araw nang wala ng kumpirmasyon sa kanyang kalagayan dahil madalang pa ang paggamit ng cellphone, lahat ng paraan ay ginawa ni Ka Greg upang matiyak ang kaligtasan ng asawa. Nag-organisa siya ng mga aktibistang masa sa baryong kinikilusan upang tumawid ng ilang prubinsya at umugnay kay Ka Nel.

Hindi lamang sa pagpapahayag ng pagtangi magkatugon ang kanilang rebolusyonaryong relasyon. Lagi nilang pinapagtibay ang loob ng bawat isa sa mga panahon ng kani-kaniyang kahirapan nang sa gayon ay makapagpatuloy sa mga gawain. Malaking hamon sa kanila ang pagkalinga sa kanilang mga anak nakailangang paglaanan ng ispesyal na pag-aalaga. Sa kabila ng matinding banta sa seguridad laluna kay Ka Greg, ginagawan nila ng paraan na makapaglaan ng panahon upang makapiling ang mga anak. Nagtutulungan ang mag-asawa sa pagbabalak upang matiyak ang pangangalaga sa mga bata.

Mangyari pa, dahil tunay na masinop at sistematiko sina Ka Greg at KaNel, mahusay nilang napagsasabay ang mabibigat na responsibilidad. Hindi kailan man nagsalungat ang paggampan nila ng responsibilidad sa Partido at sa pamilya. Natiyak ang pangangalaga sa kanilang mga anak sa kabila ng pagkilos nila bilang buong-panahong mga rebolusyonaryo sa kanayunan. Gayundin, hindi kailan man sila pinanghinaan ng loob sa gawain dahil sa ispesyal na pangangailangan ng kanilang mga anak.

Huwarang mag-asawa, gayundi’y huwarang mga lider ng rebolusyon. Higit pa sa pagmamahal nila sa isa’t isa ay ang nangungunang pagmamahal nila sa aping mamamayan. Ito ang iniwang pamana nina Ka Greg at Ka Nel. Ang pagtunghay sa kanilang buhay at pakikibaka ay habilin ng pagpapatuloy ng mga rebolusyonaryong gawain mula sa kanilang kinalugmukan.

Marapat lamang kung gayon na saidin na ang pagluksa ng mga nagmamahal na kapamilya, kaibigan at kasama nina Ka Greg at Ka Nel. Marapat lamang na ikuyom na ang mga kamao at higit pang patalasin ang mga diwa. Dahil kaparis ng mahuhusay na mga kadreng nag-alay ng kanilang buong panahon, marapat lamang naituon na ang pagdalamhati tungo sa mas pina-alab na paglilingkod sa sambayanan.

 

     
     
     
           
     
     
     
 
==          

.

TED PALACIO:
MANUNULAT, AKTIBISTA, ATENISTA
(translation of a blog in Bikol written in 2008 by a fellow staff writer in their Ateneo school paper)

Una kong nakita si Ted sa loob ng opisina ng PILLARS. Nagsubmit ako noon ng aking sinulat dahil nagaplay akong maging staff ng HARIGI. Nakaharap siya sa computer at busy sa pagsolve kan sariling niyang gawa na Rubic’s cube program. Matipid ang ngiti niya noon, at napansin ko agad ang kanyang mannerism noon na pagpalingpaling ng kanyang ulo, yun bang parang pinapalagatok niya ang kanyang leeg. Two-syllable lang ang kanyang ngakngak (sinabi), yan ang klase na ngiti na pinapakita niya sa mga bagong kakilala.

Natatandaan pa ninyo ang lumang Xavier Hall? Ang conference hall noon ang tinatambayan naming dalawa, kasama ang iba pang taga-HARIGI. HARIGI noon ang pinakamaingay ng opisina sa Xaviel Hall.

Naging malaki ang papel ang buhay ni Ted sa buhay ko. Hanggang ngayon malaki pa rin ang impact niya nang malaman ko ang pinakahuling balita.

ARRESTED

Habang nagbabrowse ako sa site ng Inquirer para maghanap ng pinakabagong balita, nagkainteres ako sa balita ni Delfin Mallari tungkol sa nadakip na NPA sa CamSur. Nanglaki ang mga mata ko nang mabasa ko sa bandang ibaba ng news item na may naaresto sa Sorsogon 2 days na ang nakaraan na pinangalanang Ted Palacio.

Images agad ang hinanap ko sa net para malaman ko agad kung siya nga ang nahuli at naaresto. Pero walang images. Sa patuloy kong pagsearch nakita ko ang blog ni Homar Murillo. Doon ko nabasa ang mga reaction ng mga kabatch niya, at mga kakilala ko. Doon na ako naniwala na si Ted Palacio nga ito.

ASSOCIATE EDITOR/COMSCI STUDENT

Associate editor siya nang pumasok ako sa staff ng HARIGI. Pero dahil busy siya sa paggawa ng program niya noon, nakajamming ko lang siya noon nang magsimula na kaming gumawa ng press work. Una ko siyang nakasamang kumain sa Naga Restaurant kasama ang buong staff ng HARIGI. Chop suey/rice ang pambansang pagkain ng HARIGI.

Ang sumunod, inuman naman. Gilbey’s ang pambansang alak ng staff. At ang regular place para sa inuman ang tinitirhan ng isang kasama naming sa staff.

Associate siya noon nang magstart kami na i-revive ang College Editors Guild of the Philippines sa Naga, and ultimately sa entire Sam Sur. Tuloy tuloy ang pagsuporta niya sa amin habang nasa tapat ng computer ng HARIGI at nagsosolve niya ng Rubic’s cube. Kung tumagal pa siya bilang estudyante baka nagging Editor In Chief siya ng HARIGI. (Kaso nagraduate na).

Nagsimula siyang magribok (magingay) nang makasama sa National Congress ng CEGP. Doon untiunting nagiba ang tono ng kanyang mga tula at pagtingin sa takbo ng lipunan. Doon ko rin untiunting nadinig ang malakas niya ngarakngak (boisterous laughter). Doon ko unang narinig ang malalim niyang obserbasyon sa mga nangyayari sa palibot.

BARKADA

Ngunit kung ano man ang kinaseryoso niya bilang isang aktibista, kabaliktaran naman ang pinakita niya bilang isang kasama sa barkada.

Magaling mag-gitara si Ted. Kaya nga hindi siya nawawala sa inuman naming noon. At siempre, kahit walang gitara, hindi kumpleto ang jamming kung wala siya, marunong din siyag magkuwento ng iilang kahambugan kung medyo lasing na.

“Pare ko” ang isa sa paborito naming kanta na tinutugtog ni Ted kapag nagkakaiponipon. Hanngang ngayon, misteryo pa sa akin ang dahilan kung bakit paborito niya itong tugtugin noon. Hindi ko alam kung may nagustuhan siyang babae noon, o baka trip niya lang ang takbo ng kanta.

Mas nagging mahusay siyang mag-gitara nang matutuhan niya ang mga progrebisong kanta. Isa siya sa mga trip kong maggitara ng “Kanlungan at Tatsulok.”

Good lister pa ito. Kung may kinikimkim kang mabigat sa loob at gusto mong magsalita, pwede mong sabihin lahat sa kanya na hindi ka makakarining ng mahabang sagot mula sa kanya.

Maingay man siya. Ah, pag nagpipressowrk kami noon sa Xavier Hall overnight, dinig ang boses niya hanggang sa main gate ng Ateneo.

Pero kahit nga nagsimula na siyang maging inactive sa paglaro ng chess sa bawat kompetisyon sa Naga, patuloy pa rin siyang nagpapakadalubhasa sa kanyang abilidad sa chess. Naglalaro siya ng chess ng solo. Sa bawat pause niya sa pagkaliko ng computer, isang move ang binubutasan niya sa chessboard.

AKTIBISTA

Iba sa unang naisulat ni Homar (salamat sa post niya about Ted), ang aming literary editor noon, nagging aktibo noon si Ted sa mga rally noon na isa na siya sa mga aktibong miembro ng PILLARS at CEGP.

Oil Price Rollback, APEC, VFA, anti-Tuition Fee campaign at mga transport strike. Naging aktibong participant ng mga rallying yan si Ted. Hanggang maging propesor sa Ateneo, at nirerepresent na niya ang grupo ng mga titser, tuloytuloy pa rin ang pagsama niya sa mga mobilisasyon.

Natatandaan ko pa hanggang ngayon ang image niya na may hawak ng donation box noon sa rali. Sa kanya inaabot ng mga dumadaang motorist ang mga barya at papel na kwartang ibinibigay bilang suporta sa mga mobilisasyon natin noon.

ORGANISADOR

Pagkatapos noon, nabalitaan ko na lang nag nagsimula siyang mag-attempt na tumulong sa pag-oorganisa uli ng union sa Ateneo. Pero sandal lang nagdesisyon siyang magbakasayon sa pagtuturo. Nabalitaan ko na lang na saro nap ala siyang organisador ng mga manggagawa sa Bikol sa ilalim ng isang NGO na tumutulong sa mga manggagawang Bikolano.

Sa bawat pagkikita naming, lagi niyang kinukuwento ang encounters niya with the working class, laluna ang mga experience niya sa mga minahan sa Camarines Norte noon. Ang mga bloopers, ang mga pasaway na istorya, ang mga nakatatawang karanasan at napakapitiful na kalagayan ng mga manggagawa at mga pamilya nila doon na siyang inoorganisa niya, lahat ng iyan sini share niya sa amin.

Iba na ang paningidgan niya sa mga panahon na iyon. Lumakas ang katawan niya. Nagkaroon siya ng bigote. At karelasyon.

KARELASYON

Mahiyain si Ted, at medyo torpe sa mga babae. Pero malakas ang appeal niya. Yun lang hindi niya alam. Sa pagkakatanda ko, dalawa ang babaeng na linked sa kanya sa Ateneo. Ang isa, makata rin, na contributor ng HARIGI, at ang isa pa, matangkad na babaeing naglalaro ng basketball.

Pero ang nagging karelasyon niya ay isang aktibistang babae. Matamis siyang umibig. Naghaharana siya, yung mga pasimple lang baga. Magkakasama lang kami noon na kasama ang labiduds (love) niya, idadaan lang niya sa pagkanta at paggitara habang nakatingin siya sa kanyang GF.

Malambing siya sa karelasyon. Pero hindi siya yong tipong lalaki na showy. Bukod sa natural na mahiyain kaya nadala din niya ang natural na ugali ng isang manggagawa: reserved.

NPA COMMANDER?

Pagkatapos matagal kaming walang kontak. Ngayon, nabalitaan ko na lang… nahuli siya… bilang isang NPA commander daw.

Nagulat ako sa balita. Si Ted? Kumander? Baka case of mistaken identity lang ito dahil organizador siya, baka natiyempuhan na narun siya sa lugar habang nagbabakbakan ang military at rebelde at siya napagbintahangan (falsely accused) na NPA..

Naisip ko tuloy ang ordeal na dinadaanan ng mga ilang aktibistang organisador sa Bikol na pinagbentangan na NPA. Baka yan ang giniwa sa kanya?

Wala sa klase niya ang maging kumander at maging NPA. Ang ibig kong sabihin, sa aspeto ng physicals, hindi ako makapaniwala na NPA siya. Mahina ang mga mata niya.

Pero sa antas ng political na panindigan, alam kong matibay ang paninindigan niya para sa mga obrero(manggagawa). Para sa karamihan ng mamamayang Pilipino. Para sa masa. Alam kong iyan ang mga tu-lang (?) ni Ted na hindi mababali.

TUNAY NA ATENISTA

Si Ted isa sa mga modernong representatsyon ng isang lalawgon (?0 ng Atenista. Buhay na halimbawa siya ng katotohanan n gaming motto: “Men ang Women for Others.”

Kung buhay lamang si Fr. Bonoan, siguradong idadagdag niya si Ted sa listahan ng kanyang mga kaibigan: si EDJOP, si Danny Borjal, at iba pa.

Siguradong ibibida siya ni Fr. Bonoan sa mga bagong henerasyon ng mga aktibistang Atenista.

Kung buhay lang si Fr. Bonoan.

Kaya nga ako, habang buhay pa ako, gusto ko rin ibida sa inyo si Ted. Gusto kong ipaalam na isa ako sa maswerteng tao na nagging kabarkada at kasama niya.

At ipagdarasal ko na makasama ko kayo, sa pagdarasal para sa kanyang kaligtasan at paglaya. Dahil sa huling alam maraming tao ang natulungan ni Ted. Marami pa ang magiging maswerteng kabarkada at kasamahan niya. Marami pa ang mapapasaya ng kanyang pagkanta at paggigitara. Marami pa ang mga pananaw na mamumulat niya.

Ipagdasal natin ang kanyang kaligtasan.

Ipagdasal natin ang kaligtasan ng ating pagiging Atenista.

Pinatunayan ni Ted na kaya niyang isabuihay ang “Men ang Women for Others” na mantra. Ngayon niya kailangang ang ating pagsasabuhay ng kasabihang Atenistang ito.

 

 

     
     
     
     
     
     
     
           
           
           
           

 

/p

  
 

Google